Ang mga pangunahing isyu na gustong marinig ng publiko sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ang mga negatibong epekto ng isang depektibong Konstitusyon” na maaaring malutas sa pamamagitan ng isang Constitutional Convention, ayon kay dating Presidential Anti-Corruption (PACC) Chairman at Pilipino Tayo movement lead convenor Greco Belgica.
Ito, matapos ang isang Pulse Asia Research, Incorporated survey na nagsiwalat na 5 porsiyento lamang ng mga rumesponde ang gustong magsalita si Pangulong Marcos tungkol sa Charter Change sa kanyang nalalapit na SONA.
Ang pagpapabuti ng pambansang ekonomiya at paglikha ng mas maraming trabaho at oportunidad sa kabuhayan ang mga pangunahing isyu na nais ng publiko na talakayin ng Pangulo sa kanyang SONA, ayon sa resulta ng survey.
Sinusundan ito ng mga hakbang na dapat gawin upang matigil ang paglusob ng mga dayuhan sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), paglaban sa korapsyon sa gobyerno, pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa, pagpuksa sa problema sa ilegal na droga, pagpapabuti ng sistema ng edukasyon, kapayapaan sa bansa, pagpapanumbalik ng pagkakaisa sa mga pambansang opisyal, at pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Sinabi ni Belgica na ang survey ay nagpapakita ng pangangailangan para kay Pangulong Marcos na linawin ang kanyang posisyon sa pederalismo, Charter Change, at sa Constitutional Convention, at isang mas malakas na information campaign tungkol sa epekto ng Konstitusyon sa ekonomiya.
“Tulad ng nakita namin sa aming mga pagpupulong, kapag naiintindihan ng mga tao ang direktang epekto ng mga bahid ng Konstitusyon sa inflation, kahirapan, kalayaan, at seguridad, bukod sa iba pa, magbabago ang isip ng mga tao at malalaman ang kahalagahan ng pagbabago ng Konstitusyon,” aniya.
“Ang Konstitusyon ang nagbigay ng kapangyarihan sa gobyerno na manghimasok, guluhin, at agawin sa mga mamamayan nito ang kanilang kalayaan sa buhay, lupa, mga oportunidad sa ekonomiya, negosyo, seguridad, at pagpapasya sa sarili,” dagdag niya.
“Naniniwala kami na ang opinyon ng mga tao ay magbabago at babaliktad kapag naunawaan nila ang koneksyon sa pagitan ng dalawang konsepto. Kaya naman inuulit namin ang aming panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr., na malinaw na ipahayag ang kanyang posisyon sa mahalagang usaping ito sa kanyang ikatlong SONA,” ani ng Pilipino Tayo movement lead convenor.
Sinabi ni BGen. Carlos Quita, dating undersecretary ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), na “hindi nakakagulat” ang resulta ng survey dahil sa “masamang paghawak” ng kasalukuyang administrasyon sa mga isyu sa lipunan, ekonomiya, pulitika, at pamamahala.
“Ang negatibong pananaw na nilikha ng mga nabigong pagtatangka ng Kongreso na amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng ConAss at People’s Initiative (PI) ay nag-aambag sa mababang pagkabahala rito. Ito ay kung saan papasok ang Pilipino Tayo movement, upang ipaalam at turuan ang publiko tungkol sa pangangailangan para sa isang Constitutional Convention upang baguhin ang 1987 Constitution, na sa huli ay magbibigay daan para sa isang bagong simula para sa bansa at sambayanang Pilipino,” aniya.
Samantala, sinabi ni dating Presidential Adviser for Religious Affairs (OPARA) Dr. Grepor “Butch” Belgica na ang Pilipinas ay walang Konstitusyon “gawang Pilipino, para sa mga Pilipino.”
Sinabi rin ni Atty. Eduardo Bringas, dating ARTA undersecretary, na ang mga umano’y lapse sa Konstitusyon ay tinutugunan lamang gamit ang mga band-aid solutions.
“Ang priority issues ay mga paulit-ulit na probleme dahil ang mga solusyon na ginagamit ay mga stop gap. Parang jeepney na nasiraan at imbis na palitan ng piyesa, tatapalan or gagawan ng paraan. Sa huli, palala nang palala ‘yung problema. Isang aksidente, matinding sakuna ang sasapitin ng sambayanan,” ani Bringas.
Malaki ang papel na gagampanan ng publiko sa pag-amyenda ng Konstitusyon, ayon kay dating Lucban Mayor Oli Dator.
“Naniniwala po ako na napakahalaga ng gagampanan ng mga mamamayan sa paghubog ng ating amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constitutional Convention kung saan mabibigyan ng daan ang bawat sektor na marinig at maisabatas ang mga bagay na tutugon sa tunay na problema ng ating mga kababayan, Constitutional Convention ang magbibigay ng boses sa taumbayan upang tunay na maisulong ang interes ng tao at hindi ng politiko,” aniya.
“Kailangan po nating magkaroon ng nationwide consultation at mabigyang daan marinig ang boses ng ating mga sektor upang sa pagsasabatas ng anumang agenda ay siguradong magiging tugon ito o resposnsive sa mga problema at tutugon bilang solusyon sa mga ito,” dagdag niya.
Ang Pilipino Tayo movement ay nananawagan sa gobyerno para sa isang Constitutional Convention at aktibong nakikipagpulong sa ilan sa mga pinakarespetadong pinuno, kinikilalang mga eksperto at intelektwal mula sa iba’t ibang industriya, at mga opisyal ng LGU para talakayin ang inisyatiba.
Plano rin ng grupo na magsagawa ng mga Constitutional Convention na lalahukan ng mga kinatawan mula sa lahat ng sektor at lalawigan sa bansa para gumawa ng panukalang Konstitusyon na mas makakatugon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa. Ang panukalang Konstitusyon ay isusumite sa mga awtoridad at ihaharap sa mga tao.
Nag-alok na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na gawin ang Constitutional Convention sa Cordillera Autonomous Region (CAR) bilang suporta sa grupo at sa panawagan nito.
Ang Pilipino Tayo ay isang grupo na pinatawag ni dating PACC Chairman Belgica, MNSA, Gen. Quita (Ret.), Atty. Bringas, dating Senador Gringo Honasan, Gen. Atty. Fortunato Guerero (Ret.), Bishop Belgica, Bishop Reuben Abante, Dr. Dennis Reyes, Prof. Froilan Calilung, at dating Congressman at Secretary Mike Defensor.
###